Drama sa Tunay na Buhay
Hindi ka katulad ng iba. Unique ka nga e. Hindi nakiki-ride. Hindi rin nakiki-uso (maliban siguro sa ilang bagay katulad ng Meteor Garden) pero syempre gusto mo pa ring malaman kung ano ang uso, kung ano ang balita. Hindi dahil makikigaya ka, kundi dahil gusto mo lang makiusiyoso, makibalita. Mas maganda kasi na pag-usapan na lang ang buhay ng iba kaysa sa buhay mo. Kapag buhay ng iba, pede kang magkomento na para bang alam mo ang lahat, na para bang perpekto ang buhay mo. Kapag buhay ng iba, pede kang magbigay ng advice na napakadaling sabihin pero napakahirap naman gawin. Napakadali para sayo'ng sabihing "Okey lang yan.." kahit alam na alam mo naman hindi okey ang lahat, kaya nga may problema e. Pa'no kasi, para sa'yo mga lasing o bangag lang ang nagkwekwentuhan tungkol sa personal na buhay. Puro kadramahan lang 'yan. Madalas mo pa ngang sabihin "Itulog mo na lang 'yan". Kahit na alam mo namang hindi mawawala sa mga panaginip ang mga problema bagkus ipinagpapabukas mo lang ang mga bagay-- procastination. Palibhasa 'di ka pa nakakaharap ng tunay na problema. Ang problema, para sa'yo, e yung mga napapanood lang sa telenobela. Kaya 'pag nandyan na, hala! Hindi mo na alam ang gagawin. 'Di mo malaman kung dapat bang tumakbo papalayo o magtago sa likod ng mga maskarang ginawa mo para paniwalain ang iba, pati na rin ang sarili mo na ayos lang ang lahat. Siyempre wala sa mga option mo ang 'call for help'. Ayaw mong malaman ng iba na pati pala ikaw may problema na rin dahil ayaw mong masabihang madrama ka. Ayaw mong ipakitang nanghihina ka rin pala. Kaya makakaisip ka ng iba't-ibang paraan para ilabas ang iyong sama ng loob nariyang maglayas, maglasing, magmall hanggang sa manakit ang paa o di kaya nama'y magsulat ng mga obrang katulad nito.
Kung dati natatawa ka sa mga madadramang tagpo sa pelikula o telebisyon, ngayon naman panay ang tanong mo sa sarili kung bakit hindi mo matawanan ang mga problema mo hanggang sa mangiyak-ngiyak ka na dahil hindi mo na alam ang gagawin. Bigla mong maaalala ang mga kaibigan mong nagtext ng "I'll be there for you no matter what" o kaya naman nung "Whenever you need me I'm here". Inisip mo kung talaga bang totoo yung mga sinabi nila. Inisip mo rin na kung sakali bang sabihin mo sa kanila yung problema mo ngayon, hindi rin ba sila matawa katulad nung ginawa mo dati? Sabihin din kaya nila sa'yo na "okey lang yan" kahit hindi naman? Hindi kaya makadagdag ka lang sa alalahanin nila? Baka naman pinalalaki mo lang din ang mga maliliit na bagay? Sa sobrang dami ng iniisip mo parang gusto mo na lang matulog para pag gising mo kinabukasan ayos na ang lahat. Pakiramdam mo gusto mo na lang mawalang parang bula. Sumama sa hangin at mga ulap. Pero alam mo namang imposible 'yon. Wala ka naman kasing magic o kapangyarihan. Kung pwede lang sanang magumpisang muli ginawa mo na. Kaya lang may mga bagay na hindi na mababawi kelan man. May mga bagay ring hindi pinipili pero kailangang pakibagayan. May mga pangyayaring hindi inaasahan.
Nagtataka ka na ngayon kung bakit biglang-bigla buhay mo naman ang nawindang. Wala ka namang ginawang mali. Wala ka rin naman inargabyado. At lalong wala ka namang kasalanan. Bigla na lang dumating nang hindi mo inaasahan. Minsan mapapamura ka na lang. @#$^!
Pwede mong tawanan ang lahat ng bagay pero ang drama sa totoong buhay... ewan ko na lang.
No comments:
Post a Comment